Suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila ngayong Lunes, Setyembre 21, dahil sa mga usaping pangseguridad kaugnay ng mga rally at iba pang aktibidad na nakatakda sa paggunita ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang suspensiyon nitong Linggo, batay sa rekomendasyon ng Manila Police District (MPD).
Ayon sa alkalde, layunin ng suspensiyon na maprotektahan ang mga estudyante at school personnel mula sa posibleng panganib na dulot ng inaasahang mabigat na trapiko, pagsasara ng mga kalsada at malalaking pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa halip na face-to-face classes, inatasan ang mga pampubliko at pribadong paaralan na gumamit ng alternative learning modes upang magpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.
Batay sa MPD, inaasahang magkakaroon ng iba’t ibang rali at aktibidad sa Maynila kaugnay ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Nauna nang inanunsyo ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang pagsasagawa ng programa sa Liwasang Bonifacio at Mendiola.
Dahil dito, naglatag ang mga awtoridad ng mga hakbang sa seguridad at trapiko sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga pagtitipon. Sinabi naman ng Philippine National Police na magpapakalat ito ng mahigit 15,700 pulis para sa pagbabantay sa mga rally.















