-- Advertisements --

Hindi bababa sa 113 ang naaresto ng Manila Police District (MPD) matapos ang naging girian sa pagitan ng pulisya at ilang grupo ng mga kabataan sa ilang bahagi ng Maynila gaya sa Mendiola, Ayala Bridge at maging sa Recto.

Ayon kay MPD Public Infomration Office Chief at Spokesperson PMaj. Philipp Ines, mula sa bilang na ito, naaresto ang 51 na indibidwal mula sa Ayala Bridge, 21 ang nahuli sa Mendiola habang 41 ang naaresto sa Recto kung saan 65 ang naarestong nasa hustong gulang na at humigit kumulang 48 ang mga menor de edad na siya namang nakatakdang iturn over sa Reception Action Center ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa mga kakailanganing intervention ng mga menor de edad.

Maaari namang maharap sa mga patong-patong na reklamo ang mga naaresto na pawang nga paglabag sa Batas Pambansa 880 o ang Public Assembly Act, Illegal Assembly, resistance and disobedience to authority, arson, direct assault, serious physical injuries at iba pang paglabag.

Ang mga indibidwal naman na ito ay kasalukuyang nasa kustodiya ng MPD at isasailalim rin sa mga medical tests upang malaman kung mayroon din silang natamong sugat o ano pa man mula sa naging riot.

Kasalukuyan namang sinisilip ng Pambansang Pulisya at maging ng MPD ang mga naging sanhi ng naging pagaamok ng mga kabataang ito at kung sino ang mga pumondo at nakaimpluwensiya sa grupong ito para magsagawa ng ganitong mga aksyon kontra sa pulisya.

Batay kasi sa inisyal na imbestigasyon, may mga nakahandang kagamitan ang grupong ito gaya ng spray paint, molotov bomb, pintura at ilan pang mga kagamitan na posibleng pinondohan ng hindi la nakikilalang personalidad.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Offuce Chief PBGen. Randulf Tuaño na pinagdidiinan aniya ng mga naaresto na nakaimpluwensya sa mga kabataang miyembro umano ng mga hiphop gangsters na ito ang isang Filipino local Rapper para umpisahan umano ang panggulo.

Habang naglabas naman ng mga pahayag si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na posibleng dating politiko, abogado at isang businessman na miymebro ng filipino-chinese community ang siyang nagpondo sa naging pagaamok ng mga grupo ng kabataan na ito sa ibat ibang bahagi ng Maynila.

Ilan lamang ito sa mga anggulo na tinitignan sa ngayon ng PNP habang ongoing naman ang nagiging hiwalay na imbestigasyon ng PNP at ng MPD upang matiyak na mapapanagot sa batas ang nasa likod ng naturang riot.

Sa kabila nito ay inihayag pa rin ng Pambansang Pulisya na nananatiling generally peaceful ang naging malawakang rally ng mga demonstrador nitong Linggo at ang insidente aniya na ito ay isa lamang isolated case na siyang hindi naman din aniya naranasan sa ibang bahagi ng bansa.

Patuloy naman na inaalam pa kung sino sino pa ang nakibahagi sa naging riot sa mga bahaging ito ng Maynila dahil pagtitiyak ng MPD, hindi sila titigil hanggat hindi napapanagot sa batas ang mga nasa likod ng naturang kaguluhan.