-- Advertisements --

Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng higit sa 15,000 personel sa buong Metro Manila upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa paggunita ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ngayong darating na Setyembre 21.

Ayon sa opisyal na pahayag ng NCRPO, aabot sa kabuuang 15,746 personel ang ilalagay sa operational deployment.

Bubuuin ito ng 9,746 regional personnel at 6,000 augmentation forces mula sa iba’t ibang yunit upang mapalakas ang seguridad sa buong kalakhang Maynila.

Ipuwesto ang mga miyembro ng kepulisyan sa mga pangunahing convergence areas, pampublikong pasilidad ng pamahalaan, malalaking lansangan, at mga makasaysayang assembly points.

Kasama rin sa latag ng operational plan ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya para sa traffic rerouting at perimeter security measures.

Binigyang-diin ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na ang hakbang ay upang protektahan ang kaligtasan ng lahat habang iginagalang ang probisyon ng Saligang Batas para sa payapang pagtitipon.

Idinagdag pa ni Abrahano na inatasan ang lahat ng pulis sa kalsada na magpatupad ng maximum tolerance at igalang ang karapatang pantao sa lahat ng pagkakataon.

Naniwala rin siyang ang tungkulin ng seguridad ay hindi para supilin ang malayang pagpapahayag kundi para protektahan ito, kaya’t nakiusap siya sa publiko at mga demonstrador na makipagtulungan upang manatiling maayos ang buong anibersaryo.

Maging sa ibang bahagi ng bansa ay may mga paghahanda rin kung sakaling magdaraos ng kilos protesta amng iba pang grupo.