-- Advertisements --

Ibinunyag ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na umakyat pa sa 300 ang Super Health centers ang natukoy ng ahensiya na nananatiling hindi operational.

Kasunod ng pagharap ng kalihim sa inter-agency coordination meeting kasama ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngayong araw, Oktubre 17, sinabi ni Herbosa na akala niya ay bumaba na sa 297 ang hindi operational na super health centers dahil ilan nga sa mga ito ay nagbukas na subalit tumaas aniya ito sa 300.

Ayon sa kalihim, mayorya sa nakatenggang super health center ay sa Luzon dahil ito ang pinakamalaking landmass. Tinataya aniyang nasa mahigit 170 mula sa 300 super health centers ay nasa Luzon habang ang iba naman ay nasa Visayas na at Mindanao.

Kaugnay nito, inatasan na ng kalihim ang regional directors para inspeksyunin ang 300 pang super health center na hindi operational.

Base sa inilabas na datos ng DOH ngayong Oktubre 17, may kabuuang 878 super health centers ang pinondohan sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program sa buong bansa.

Sa naturang bilang 300 ang hindi operational, 198 ang gumagana na at 17 ang bahagyang operational at 365 naman ang kasalukuyan pang ipinapatayo.

Ipagpapatuloy naman ng DOH ang pagimbestiga pa sa mga super health center kasama ang suporta ng independent commission.