Dalawa pamilya na lang ang naghihintay na makatanggap ng P1-milyong financial assistance ng gobyerno dahil sa namatay nilang kamag-anak na COVID-19 health frontliner.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa gitna ng patuloy na pag-asikaso sa release ng tulong pinansyal sa pamily ng 32 health workers na namatay dahil sa coronavirus disease.

“Thirty out of 32 heirs of those who died received their P1 m(illion) check. The other two have their relatives abroad and we are still coordinating with their families how they can get the money,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Mula naman sa 24 na health care workers na naging kritikal matapos tamaan ng sakit, 19 na raw ang nakatanggap ng P100,000 na hiwalay din na financial assistance.

Kung maaalala, 79 ang unang listahan ng DOH sa nasabing grupo.

“There are some instances where patients are included in the severe list but their medical abstracts do not reflect this upon verification… Hence, they are ‘delisted’ and the list of claimants became shorter,” ayon sa opisyal.

Ngayong araw ang itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para maipamahagi ng DOH ang mga pangakong tulong pinansyal ng Bayanihan to Heal as One Act of 2020.