Nahaharap sa dismissal o pagkasibak sa serbisyo ang pitong pulis ng Manila Police District (MPD) dahil sa extortion o pangingikil sa isang 49 anyos na lalaki.
Sa isang statement, kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen Anthony Aberin ang pagkakaaresto ng mga sangkot na pulis kung saan isa sa kanila ay lieutenant, 3 staff sergeants at 3 patrolmen na lahat ay nakadestino sa Anti-Drug Unit ng Police Station 5.
Nadakip ang mga ito sa loob ng istasyon sa Ermita, Manila gabi ng Lunes.
Nag-ugat ang operasyon mula sa pag-aresto sa complainant noong Hunyo 20 dahil sa umano’y gawa-gawang drug cases kung saan habang nasa kustodiya siya ng kapulisan kinikilan ng mga sangkot na pulis ang asawa ng lalaki ng pera na nagkakahalaga ng P50,000 kapalit ng kaniyang paglaya.
Bagamat P20,000 lamang ang naibigay na pera, pinalaya ang complainant nang walang kaso. Nang malaman naman ng police officers na naghain ng reklamo ang lalaki, binalik nila ang pera para bawiin ang reklamo laban sa kanila.
Nakumpiska mula sa mga nangikil na pulis ang 7 mobile phones na ginamit umano sa extortion, 5 official police IDs , screenshots ng digital transactions at conversations at remittance records ng kanilang kinikil na pera.
Isinailalim ang mga naarestong pulis sa restrictive custody habang inaantay ang pagsampa ng kasong robbery-extortion, grave threats, arbitrary detention at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Presidential Decree 1829 na may kinalaman sa obstruction of justice.
Ipinag-utos na rin ng NCRPO chief ang imbestigasyon at pagsibak sa commander ng Police Station 5 dahil sa kabiguang aksyunan ang naturang kaso.