Binigyang pugay ni Vice President Sara Duterte ang Philippine Air Force (PAF) sa kanilang ipinamalas na katapangan at sakripisyo para sa pagprotekta sa airspace ng ating bansa kasabay ng pagdiriwang ng 78th founding anniversary ng Hukbo ngayong araw ng Martes, Hulyo 1.
Sa kaniyang mensahe, binati ng Bise Presidente ang Hukbong Himpapawid ng Pilipinas at nagpahayag ng pakikiisa sa pagdiriwang ng araw na ito na sumisimbolo aniya sa kanilang matapang na dedikasyon na protektahan ang himpapawid ng bansa at pangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Umaasa ang Bise Presidente na ipagpapatuloy ng PAF ang tapat na paglilingkod at matibay na saligan ng kapayapaan at kalayaan sa bansa.
Nakasentro ang tema ng anibersaryo ng pagkakatatag ng PAF sa pagkilala sa outsanding PAF units at personnel para sa kanilang pambihirang performance, operational excellence at hindi natitinag na dedikasyon sa pagseserbisyo.
Pinangunahan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang selebrasyon ngayong araw sa PAF Multi-Purpose Gymnasium sa Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City.