Nilinaw ni Commission on Election (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na walang kaugnayan ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon ng Korte Suprema tungkol sa “second placer rule.”
Aniya ang sitwasyon ni Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC), ay nagdulot lamang ng temporary vacancy sa kanyang posisyon bilang alkalde ng Davao City, at hindi ito itinuturing na permanente.
Ayon kay Garcia, iba ito sa kasong Mangudadatu vs.COMELEC, kung saan hindi maaaring palitan ng second placer ang kandidatong nadiskwalipika matapos makansela ang kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Ipinaliwanag niyang ang pagkansela ng Certificate of Candidacy ay maaari lamang mangyari kung may mga legal na isyu gaya ng kakulangan sa citizenship, residency, edad, rehistro ng botante, kakayahang bumasa o sumulat, o paglabag sa three-term limit rule. Sa ganitong mga kaso, nagkakaroon ng permanenteng bakante sa puwesto, at awtomatikong uupo ang karapat-dapat na kahalili.
Dahil dito, pansamantala lamang ang pag-upo ni Vice Mayor-elect Sebastian Duterte bilang acting mayor ng Davao City, habang hindi pa nakalalaya si dating Pangulong Duterte.