Ipinag-utos na ng Department of Energy (DOE) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), National Electrification Administration (NEA), mga electric cooperative (ECs), at private distribution utilities (DUs) ang agarang pagtanggal ng mga campaign materials at iba pang istrukturang nakaharang sa mga power line sa buong bansa, isang linggo bago ang 2025 National at Local Elections.
Ang kautusan ay alinsunod sa Republic Act No. 11361 o Anti-Obstruction of Power Lines Act na layuning protektahan ang mga pasilidad ng kuryente laban sa mga nakakasagabal sa linya ng kuryente na maaaring magdulot ng aksidente at power interruptions.
Ayon sa DOE, ang hakbang ay tugon din sa ulat ng Commission on Election (Comelec) ukol sa malawakang paglalagay ng campaign posters sa mga poste ng kuryente na ayon sa poll body, mapanganib at ilegal na gawain.
Binigyang-diin ni Energy Secretary Raphael Lotilla ang kahalagahan ng tuloy-tuloy at ligtas na daloy ng kuryente sa panahon ng halalan.
Hinikayat ng DOE ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga LGU at sa Comelec Task Force Baklas para sa ligtas at mabilis na pagtanggal ng mga nakaharang na powerline.
Nanawagan din ang sa mga kandidato, partido, at tagasuporta na sumunod sa mga regulasyon ukol sa tamang paglalagay ng campaign materials upang matiyak ang ligtas at maayos na halalan.