Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na magtatayo ito ng opisina sa West Africa upang mas matugunan ang mga pangangailangan at isyu ng mga overseas Filipino workers (OFW), na nagta-trabaho sa sektor ng langis at seafaring.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, pangungunahan niya ang isang linggong pagbisita sa Nigeria at Liberia simula bukas, Agosto 9 upang makipagpulong sa mga OFW at opisyal ng pamahalaan doon.
Target ng biyahe ang pagtatayo ng opisina sa Abuja, Nigeria, kung saan may tinatayang 6,000 OFWs. Habang may 150 naman sa Liberia.
Saklaw din ng bagong opisina ang mga OFW sa iba pang bansa sa rehiyon tulad ng Senegal, Ghana, Ivory Coast, Sierra Leone, Burkina Faso, at Benin.
Binanggit din ni Cacdac na kabilang sa mga pangunahing suliranin ng OFWs sa rehiyon ay ang banta ng piracy sa mga seafarer at ang kaso ng mga undocumented workers.
Sa ngayon, inaasikaso sila ng Embahada ng Pilipinas sa Abuja, ngunit sa pagbubukas ng DMW office ay mas mapapabilis ang pagbibigay ng legal, medikal, pinansyal, at humanitarian na tulong.
Dagdag pa rito, plano rin ng DMW na magbukas ng mga tanggapan sa Vietnam, Cambodia, at Turkey.
Samantala, ipagpapatuloy ng DMW ang “Serbisyo Caravan” nito sa Jeddah, Saudi Arabia. Sa mga nakaraang buwan kasi nakapagsilbi na ito sa mahigit 10,000 OFWs sa Hong Kong, Riyadh, Osaka, Doha, at Dubai.
Ilan sa mga serbisyong iniaalok ay national ID registration, civil registry documents, tulong-pinansyal, mental health support, at serbisyo mula sa SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth.