Iniimbestigahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kwestyonableng pagbili ng lupa na nagkakahalaga ng P1.4 billion nang walang pag-apruba mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) board.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, kinumpirma ni OWWA Administrator Patricia Caunan ang isinasagawang imbestigasyon para hayaang umiral ang due process kung saan kabilang aniya sa iniimbestigahan ay ang kaniyang pinalitan na si dating OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Ayon pa sa bagong OWWA administrator, ang biniling lupain ay pagtatayuan sana ng halfway house o dormitory-type accommodation para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Tiniyak naman ng opisyal na bilang bagong administrator ng ahensiya magsasagawa sila ng kaukulang audit, hihingin din nila ang legal opinion mula sa Department of Justice at makikipagtulungan sa Commission on Audit (COA).
Ipinunto din ng opisyal na ang kaban ng bayan at ng mga overseas Filipino workers ay sagrado, dahilan kayat seryoso sila sa isinasagawang imbestigasyon.
Binigyang diin naman ni Caunan na nananatiling intact ang trust fund ng migrant workers at marahil ay kinuha ang pondo para sa pagbili ng lupa mula sa pondo ng ahensiya.
Inihayag din ng OWWA administrator na maraming taong iniimbestigahan at nakatutok aniya dito si Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac simula pa noong nakalipas na taon bilang siya ang nagsisilbing chairman ng OWWA board.
Matatandaan, tinanggal sa pwesto si dating OWWA Adm. Ignacio matapos maungkat ang kontrobersiyal na pagbili ng bilyong halaga ng lupain nang hindi dumadaan sa OWWA board.
Nauna ng ipinaliwanag ni Sec. Cacdac na kailangan ng approval mula sa board para sa lahat ng mga kasunduang papasukin ng OWWA.