-- Advertisements --

Ipinatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang isang mahalagang pagbabago na naglalayong pagaanin ang pasanin ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) pagdating sa pag-renew ng kanilang mga driver’s license.

Ito ay ang pag-aalis ng bayad para sa medical at courier services, na dati ay kailangan pang bayaran ng mga OFW sa tuwing magpapa-renew sila ng kanilang lisensya.

Layon ng hakbang na ito na makapagbigay ng malaking tipid sa ating mga OFW, lalo na sa panahong kailangan nilang maging matipid sa kanilang pinaghirapang pera.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), ang LTO ay nagsasagawa ng mga caravans sa iba’t ibang bansa kung saan maraming OFW ang nagtatrabaho.

Ang mga caravans na ito ay naglalayong mapadali at mapabilis ang proseso ng pag-renew ng driver’s license para sa ating mga OFW na nasa ibang bansa.

Ito ay bilang pagkilala at pagpapahalaga sa kanilang malaking kontribusyon at sakripisyo sa ating bansa, ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao habang ito ay alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang ating mga OFW.