-- Advertisements --

Umaabot sa 82 ang bilang ng mga overseas Filipino worker (OFW) na natukoy na nakatira o nagtatrabaho sa Wang Fuk Court housing, batay sa bagong datus na inilabas ni Philippine Consul General Romulo Israel Jr.

Ang naturang housing complex sa Hong Kong ang nasunog nitong Miyerkules (Nov. 26) na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 83 katao habang maraming iba pa ang pinaghahanap.

Mula sa mahigit 80 Pinoy, mahigit 20 pa lamang sa kanila ang natunton at nakausap ng konsulada matapos ang sunog, habang nagpapatuloy na itong nakikipag-ugnayan sa iba pa upang malaman ang kanilang kalagayan.

Sa kabila nito, ipinaliwanag ni Israel Jr. na ilan sa kanila ay posibleng naka-rehistro sa naturang complex ngunit hindi na nananatili rito o tuluyan nang umalis.

Bineberipika rin aniya ng konsulada ang record ng lahat ng 82 OFW at kung saan nagtungo ang ilan sa kanila na maaaring lumipat na ng trabaho o matitirhan. Tiniyak ng opisyal na minamadali na ang pag-contact sa iba pang hindi na-account.

Ayon kay Israel Jr., regular ding naglalabas ng impormasyon ang Hong Kong authorities, tulad ng bilang ng mga nasawi, pagkakakilanlan, nationality, atbpang record.

Sa kasalukuyan, walang ulat kung may Pinoy na napabilang sa listahan ng mga nasawi, ngunit patuloy pa ring sinusuyod ng mga otoridad ang buong building matapos tuluyang ideklarang fire out ang nangyaring sunog.