Pumalo sa 308 na Overseas Filipino Workers ang tumanggap ng pinansiyal na tulong mula sa Department of Migrant Workers kahapon.
Ginanap ang nasabing pagtitipon sa isang hotel sa Cagayan de Oro.
Pinangunahan ni ni DMW Undersecretary Bernard Olalia ang pamamahagi ng tulong sa mga nasabing bilang ng OFW na nagkakahalaga ng ₱11,233,569.
Ipinahayag ni Usec. Olalia na ang tulong pinansiyal na ito ay inilaan para sa mga OFW na nakaranas ng iba’t ibang uri ng paghihirap.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga OFW na naging biktima ng pang-aabuso, mga naloko ng mga iligal na recruiter, at mga OFW na napauwi na sa Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa.
Kasama rin sa mga tumanggap ng tulong ang mga OFW na nagbabalak nang manatili sa bansa at maghanapbuhay dito, gayundin ang mga guro na nagturo sa ibang bansa at ngayon ay nagbabalik-loob upang magtrabaho sa ilalim ng Department of Education.
Binigyang-diin ni Usec. Olalia na ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang pangunahing mandato bilang ahensya ng gobyerno.
Layunin nilang tulungan ang sinumang OFW na nangangailangan ng suporta, bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na magbigay ng tulong sa mga OFW na nasa gitna ng paghihirap.