-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Overseas Workers Wlefare Administration (OWWA) ang pagtaas ng trust fund at mga miyembro nitong overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, tinaasan ang trust fund ng P1 billion mula sa P21.3 billion sa pagtatapos ng 2025 habang ang mga miyembro nito ay umakyat mula sa 2 milyon sa 2.6 milyong OFWs.

Inilatag din ng OWWA Chief ang mga bagong inisyatibo ng ahensiya kabilang ang pagbubukas ng OFW Lounges, Seafarer Welfare Center, regional offices na mayroong libreng klinika at mga botika gayundin ang pagpapalawig pa ng global centers sa Hong Kong at Taipei, na magbibigay ng legal assistance, health services at upskilling programs at iba pa para sa mga OFW.

Bukod dito, kabilang din sa programa ang pagdaraos ng OFW Serbisyo Caravans katuwang ang Department of Migrant Workers at iba pang mga ahensiya ng gobyerno.

Inanunsiyo rin ng opisyal ang makasaysaayng pagkakataon makalipas ang 43 taon matapos makapagtala ng pinakamalaking pagtaas sa scholarship slot para sa mga anak ng OFWs sa ilalim ng Alagang OWWA:Serbisyong May Puso program. Mula sa humigit-kumulang 15,000 scholars, nasa 10,000 ang nadagdag na scholars ngayong taon.

Sa huli, binigyang diin ng OWWA Chief ang tamang paggugol ng pondo ng OFW sa pamamagitan ng pagbabalik ng mga benepisyo nang “maramdaman nila ang tunay na pag-aalaga ng pamahalaan.”