Lumobo pa sa 94 ang bilang ng mga nasawi mula sa malaking sunog sa high-rise residential building sa Tai Po district sa Hong Kong.
Ito ay kasabay ng pagkumpirma ng mga awtoridad na tinapos na ang firefighting operations sa mismong site kung saan sumiklab ng sunog.
Umabot na rin sa 76 katao ang naitalang nasugatan sa insidente habang halos 300 indibidwal ang nananatiling missing.
Ngayong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na mahigit 50 katao ang nananatili sa ospital, kung saan 12 ang kritikal at 28 ang nasa seryosong kalagayan.
Maraming pamilya din ang puspusan ang paghahanap sa kanilang mga nawawalang mga mahal sa buhay.
Sa ngayon, nananatili ang inilikas na daan-daan residente sa mga temporary shelter.
Samantala, inaasahang malaking halaga ng damage claims ang kakaharapin ng insurance sector ng Hong Kong kasunod ng deadly fire na nag-iwan ng libu-libong katao na nawalan ng kanilang tahanan.
Ayon sa China Taiping Insurance, ang insurer ng nasunog na real estate, magbibigay ito ng 2 billion Hong kong dollar para sa mga nasirang ari-arian at iba pang pinsala, kabilang ang HK$20 million para sa bawat nasawi o incident of property loss at iba pang coverage.
Hinimok naman ang mga biktima na may insurance policies na agad ipaalam ang kanilang claims sa insurers.













