Nakarecover na ang isang Pinay na dating naospital matapos madamay sa sunog na nangyari sa Tai Po District, Hong Kong.
Maalalang isang Pinay ang nasawi habang isa ang kinailangang dalhin sa intensive care unit upang sumailaim sa gamutan matapos madamay sa sunog na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 159 katao.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, Nabigyan na rin ng karampatang tulong ang naturang Pinoy, kapwa mula sa pamahalaan ng Pilipinas at ng Hong Kong authorities.
Maging ang kaniyang anak ay tatanggap din ng tulong mula sa gobiyerno ng Pilipinas.
Sa ngayon ay umabot na hanggang 83 overseas Filipino workers (OFW) na dating nakarehistro sa nasunog na housing unit ang na-account ng DMW. Pawang nasa maayos na kalagayan ang mga ito, ayon kay Cacdac.
Inaayos na rin ng ahensiya ang pagpapabiyahe sa Pilipinas sa mga labi ng Pinay na nasawi sa malagim na sunog. Kasama rito ang lahat ng tulong na maaaring ibigay sa pamilya ng biktima, maliban pa sa tulong mula sa Hong Kong.
Ayon sa DMW chief, lahat ng mga Pinoy na naapektuhan sa naturang sunog ay makakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ng PH, kasama ang mahigit 80 Pinoy na pawang nakarehistro sa nasunog na istraktura.
















