Pumalo na sa 159 katao ang natukoy na nasawi sa malagim na sunog na nangyari sa Wang Fuk Court sa northern Tai Po district, Hong Kong.
Nitong Miyerkules (Dec. 4), naglabas na ng ‘interim wrap-up’ report ang Hong Kong authorities matapos umanong makumpleto ang paghahanap at paghahalughog sa buong pasilidad.
Sa 159 na nahanap na katawan, 140 na rito ang natukoy ang pagkakakilalan habang ang iba ay patuloy pang kinikilala.
Kinabibilangan ito ng 91 na babae at 49 na lalake.
Batay pa sa report, isang 97-anyos na indibidwal ang natukoy na pinakamatandang nasawi habang ang pinakabata ay isang one-year-old baby.
Sa kabila ng naturang report, hindi inaalis ng Hong Kong authorities ang posibilidad na madadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi.
Ayon kay Hong Kong Police Commissioner Joe Chow, may mga nakita pang ‘suspected human bones’ na kinakailangan pang dumaan sa forensic testing para sa confirmation.















