-- Advertisements --

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na ang mga flood control projects na isasama at paglalaan ng pondo sa 2026 national budget ay talagang nasa flood prone areas.

Sinabi ni Dizon bahagi ito ng pagbabago sa gagawin nila sa kanilang budget.

Gagamiting basehan sa pagtukoy sa mga lugar na bibigyan ng budget para sa flood control projects ay ang mga nasa red zone na tinukoy ng project NOAH.

Nabatid nasa P268.3 billion ang pondo ng DPWH para sa flood control projects para sa fiscal year 2026.

Subalit dahil nakitaan ito ng mga anomalya, pabor si Dizon na tapyasan ito at ilaan talaga duon sa mga lugar na binabaha.

Sa budget briefing ng DPWH pabor si Dizon na i-realign ang pondo sa flood control kapag napatunayang hindi na ito kailangan, ang pondo ay mapupunta sa maintenance ng mga major roads and bridges.

Suportado naman ni Dizon ang mungkahi ni Appropriations panel Chair Rep. Mikaela Suansing na gawing basehan ang siyensa para sa pagtukoy sa mga lugar na paglalaanan ng flood control projects.

SAMANTALA, ibinunyag ni Secretary Dizon sa house panel na walang sistema at walang malinaw na plano ang ahensiya kung saan ilalagay ang mga flood control projects.

Dahil dito sinabi ni Dizon isa ito sa kaniyang tututukan at bahagi sa mga ipatutupad na reporma sa ahensiya.

Sa budget briefing tinalakay ang isyu sa pagkakaroon ng master plan sa flood control project.

Ayon kay Dizon para sa Metro Manila mayruon ng binubuong master plan at posible matapos ito sa susunod na taon.

Sinabi ng kalihim na malaking bagay ang master plan para sa pagtatayo ng mga flood control projects ng sa gayon maiwasan na magkakaroon ng mga ghost projects.

Upang matugunan ang mga pagbaha sa Metro Manila, inihayag ng Kalihim na makikipag ugnayan ang DPWH sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa gagawing dredging o paglilinis sa lahat ng mga water ways sa kalakhang Maynila.

Siniguro naman ni Dizon na mananagot ang mga District Engineers kapag may natuklasang ghost projects sa kanilang mga lugar.

Giit ng Kalihi na hindi siya mag-aatubuling tanggalin ang mga ito sa pwesto.