-- Advertisements --

REPS DIOKNO AT CENDAÑA DUMALO SA IMBESTIGASYON SA KASONG ISINAMPA NI ATTY MANS CARPIO

Dumalo sa preliminary investigation sina Akbayan party-list Representatives Chel Diokno and Perci Cendaña kaugnay ng kasong isinampa ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Kasama rin sa mga kinasuhan sina Batangas Rep. Gerville Luistro at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, dahil sa umano’y paglabas ng impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na tinalakay sa impeachment hearings.

Ayon sa reklamo, nilabag umano ng mga mambabatas ang Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law, at Data Privacy Act matapos mailabas ang impormasyon tungkol sa bank records na tinalakay sa pagdinig ng Kamara.

Ang preliminary investigation ay itinakda kaniang alas-9:00 ng umaga sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Sa pahayag ni Diokno, kinilala niya ang karapatan ni Carpio na magsampa ng kaso ngunit iginiit na handa siyang harapin ito sa korte at naniniwalang walang nalabag na batas ang mga mambabatas.

Giit pa niya, ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin bilang mga kongresista sa ilalim ng Konstitusyon, lalo na sa mga pagdinig kaugnay ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente. (report by Bombo Jai)