-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na malabong mangyari sa Pilipinas ang marahas na kilos-protesta tulad ng nagaganap sa Nepal at Indonesia, kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa korapsyon.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, bagamat handa ang pamahalaan sa anumang senaryo, hindi umano ugali ng mga Pilipino ang manira o magsunog ng mga gusali sa gitna ng protesta.

Kaugnay nito nagpatawag na ng command conference ang DILG upang ihanda ang mga contingency plans kung sakaling magkaroon ng mga malawakang protesta laban sa korapsyon, kasunod ng mga nangyayari sa ibang bansa.

Dagdag pa ng kalihim, nasa maximum tolerance ang pulisya at pinapaalalahanan na maging mahinahon at gumalang sa karapatan ng mga raliyista.

Samantala, sinabi ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may nakahanda nang security plan para sa crowd control at dispersal kung kakailanganin.

Ngayong araw, Setyembre 11, ilang grupo tulad ng Tindig Pilipinas, Nagkaisa, Kalipunan ng Kilusang Masa, at Siklab ay nagsasagawa ng kilos-protesta sa EDSA Shrine upang kundenahin ang diumano’y korapsyon sa flood control projects.