Kaagad na inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang mga Local Government Units sa buong bansa na kumilos partikular na sa mga lugar na direktang naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Ang direktiba na ito ay naglalayong masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan sa mga apektadong komunidad.
Bilang bahagi ng direktiba, ipinag-utos ng DILG na ang lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) ay dapat nang agad na magpulong at mag-organisa upang masimulan ang koordinasyon ng mga operasyon.
Kasabay nito, kinakailangan ding i-activate ang Emergency Operations Centers (EOCs) at ang Incident Management Teams (IMTs) upang magsilbing sentro ng komunikasyon at pagpapasya sa panahon ng krisis.
Dagdag pa rito, pinakikilos na rin ang lahat ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Councils (BDRRMCs) sa mga apektadong lugar.
Bukod pa rito, dapat ring isaprayoridad ang pagsasagawa ng rapid damage assessment sa mga pangunahing imprastraktura tulad ng mga kalsada, tulay, gusali ng paaralan, ospital, at iba pang vital na pasilidad.