Iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang umano’y data breach sa kanilang sistema.
Ito ay kasunod ng babala ni Scamwatch Pilipinas co-founder Art Samaniego Jr. tungkol sa posibleng malakihang data breach sa gobyerno partikular na sa DILG.
Sa isang post, sinabi ni Samaniego na nakatanggap siya ng impormasyon na humigit-kumulang 400 gigabytes ng datos ang umano’y nakuha o na-exfiltrate mula sa DILG systems.
Ayon naman sa ahensiya, beripikasyon na ang isinasagawa ng kanilang technical teams kasama ng mga yunit ng pamahalaan na responsable sa cybersecurity.
Dagdag pa ng DILG, batay sa kanilang isinagawang inisyal na pagsusuri, nananatiling stable o maayos ang operasyon ng kanilang pangunahing serbisyo.
Agad namang isinailalim sa containment at security protocols ang kanilang mga sistema para masigurong ligtas ang datos habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nanawagan din ang DILG sa publiko na huwag agad maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon na kumakalat sa internet habang hinihintay ang opisyal na resulta ng kanilang masusing pagsusuri.















