-- Advertisements --

Inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na agahan ang paglilikas sa mga mamamayang inaasahang maaapektuhan ng bagyong Uwan.

Ito ay kasabay ng lalo pang paglakas ng naturang bagyo, habang papalapit sa kalupaan ng bansa.

Apela ng DILG sa mga LGU, agahang simulan ang paglikas sa mga mamamayang nakatira sa mga komunidad na inaasahang direktang dadaanan o hahagupitin ng bagyo, lalo na sa coastal areas.

Payo ng ahensiya, dapat ay makumpleto na ang preemptive o mandatory evacuation sa high-risk communities bago ang Nobiyembre-9 (Lingo).

Pinaalalahanan din ng DILG ang publiko na tumugon sa apela ng mga LGU at local disaster agencies.

Iginiit ng ahensiya na ang kooperasyon ng mga komunidad ay mahalaga upang maiwasang magkaroon ng casualties.

Tiniyak din ng DILG ang sapat na evacuation center para sa mga ililikas, kasama ang relief supplies sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan.

Kung babalikan, bago nanalasa ang bagyong Tino sa Visayas at Mindanao ay nagawa ng mga lokal na pamahalaan na ilikas ang mahigit 900,000 katao sa ilalim ng preemptive evacuation.