-- Advertisements --

Hinihiling na ng Digital Pinoys sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyasatin ang mga ulat tungkol sa umano’y “fare-bidding” at ang pagpili ng mga biyahe o selective trip acceptance na ginagawa ng transport network vehicle service (TNVS) na InDrive.

Sa isang press forum na ginanap sa Quezon City, ipinahayag ni Ronald Gustilo, ang national campaigner ng Digital Pinoys, na nakararami sa mga commuter ay nagpapahayag ng kanilang pagkadismaya dahil sa madalas na hindi pagtanggap ng booking sa isang TNVS platform, maliban na lamang kung ang alok na pamasahe ay paulit-ulit na tataasan.

Ito aniya ay nagiging sanhi ng pagkabahala sa mga pasahero.

Ayon kay Gustilo, kahit na ang fare bidding ay ipinakilala bilang isang alternatibo sa surge pricing, lumilitaw na ito ay nagiging isang “de facto surge environment,” kung saan ang pressure ng pagtaas ng pamasahe ay direktang ipinapasa at nararamdaman ng mga commuter.

Binigyang-diin niya na kabilang sa mga pinaka apektado ng ganitong polisiya ay ang mga senior citizen, mga buntis, mga estudyante, at ang mga pasaherong may limitadong budget.