Nagsagawa ng noise barrage kagabi, Marso 24, ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)-Cebu kasama ang iba’t ibang cause-oriented groups sa harap ng isang gasoline station sa B. Rodriguez Street nitong lungsod ng Cebu bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Nagbusina at nag-ingay ang mga raliyista upang ipahayag ang kanilang hinaing, habang nakibahagi rin ang ilang dumaraang motorista sa pamamagitan ng pagbusina bilang pakikiisa.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PISTON-Cebu President Greg Perez, sinabi nitong layunin ng noise barrage na iparating ang kanilang pagkadismaya sa umano’y mabagal na aksyon ng pamahalaan sa pagpigil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Bahagi rin aniya ito ng serye ng kanilang mga mobilisasyon bilang paghahanda sa planong nationwide transport strike sa Marso 27.
Iginiit pa ni Perez na magpapatuloy ang kanilang laban hangga’t hindi natutugunan ang krisis sa sektor ng transportasyon.
Aniya, patuloy nilang kikilusan ang mga tsuper at operator upang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Inilahad din ng grupo ang kanilang limang pangunahing panawagan kabilang ang pagbaba sa presyo ng langis sa ₱55 kada litro batay sa kasalukuyang suplay; alisin ang VAT at excise tax upang mabawasan ng ₱20 ang presyo kada litro; ipatupad ang ₱5 dagdag pasahe; buwagin ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price control; at isabansa ang industriya ng langis kabilang ang Petron.
Binigyang-diin ng grupo na habang kumikita ng bilyon-bilyong piso ang mga kumpanya ng langis patuloy namang naghihirap ang mga tsuper sa bansa.
Samantala, kinondena naman ng grupoang umiiral na tensyon sa pagitan ng United States, Israel, at Iran na anila’y isa sa mga ugat ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.















