Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng yunit nito na paigtingin ang pagpapatupad ng road safety measures upang maiwasan ang aksidente ngayong Semana Santa at summer break.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, magde-deploy ng sapat na bilang ng mga pulis para sa mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, kabilang ang inspeksyon ng mga pampasaherong sasakyan sa mga terminal.
Mahalaga rin aniya ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.
Batay sa datos ng PNP, bumaba ang kabuuang aksidente sa kalsada noong Abril hanggang Mayo 2025 sa 30,516 mula 31,992 noong 2024, ngunit tumaas ang bilang ng nasawi sa 919 mula 884.
Pinakamarami ang kaso sa Central Luzon, Calabarzon, Ilocos Region, at Northern Mindanao.
Kaugnay nito, hinimok ang mga motorista na tiyaking maayos ang sasakyan at planado ang biyahe.
Samantala, nagbabala rin ang PNP sa pagtaas ng pagkalunod. Noong 2025 kasi, nakapagtala ng 151 insidente, tumaas ito mula sa 90 drowning incidents noong 2024, karamihan sa Ilocos Region at Calabarzon.
Nakikipag-ugnayan naman na ang Maritime Group sa mga resort at beach operators para sa kaligtasan ng publiko.
Paalala ng PNP sa publiko na maging responsable at sumunod sa safety measures habang nagbabakasyon.















