Tiniyak ng Office of the Ombudsman na kanilang handang ilabas ang kopya ng SALN o Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Vice President Sara Duterte ng agaran.
Ayon mismo kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, makaseseguro umano na ito’y maibibigay sa kongreso alinsunod sa ‘subpoena’ inisyu ng House of Respresentatives Committee on Justice.
Sa nagpapatuloy kasing pagdinig sa proseso ng ‘impeachment’ laban sa ikalawang pangulo, napagkasunduan ng komite na ipasumite sa tanggapan ang kopya ng SALN nito.
Batay sa botohan ng House Justice Panel, nais nitong atasan ang Office of the Ombudsman na ibigay ang kopya noong panahon 2007-2013, 2016-2022 at 2022-2024.
Mga taon kung saan naging alkalde ng lungsod ng Davao ito at nakaupong bise presidente naman sa kasalukuyan.
Kung kaya’t pagtitiyak ng Ombudsman na kanilang tutuparin ang responsibilidad na sumunod sa nakasaad sa batas.
Pagtitiyak pa ni Assistant Ombudsman Clavano na hindi lamang kopya ng SALN ang handang isumite kundi pati kopya noong alkalde pa lamang ang bise presidente.
Ieendorso aniya nila ang hiling ng kongreso o ‘subpoena’ sa akmang opisina na tagapangalaga sa naturang dokumento; partikular sa Mindanao Office ng Ombudsman.
Ibinahagi din ng naturang opisyal na sila’y naka-monitor sa mga kaganapan maging sa pagdinig ng ‘impeachment’ kay Vice President Sara Duterte sa kongreso.
Mahalaga anila ang pagsubaybay sapagkat isa ito sa mga ikinukunsidera ng Ombudsman ukol sa mga reklamong isinampa laban sa ikalawang pangulo.















