Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakalatag na ang kanilang mga hakbang, kabilang ang pagpapaigting ng patrolya at paggamit ng makabagong teknolohiya, upang mapigilan ang posibleng pagtaas ng insidente ng pagnanakaw sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bago pa man maging malaking isyu ang inflation ay naghahanda na ang pambansang pulisya para sa mga worst-case scenarios upang mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad.
Bilang tugon sa pangamba ng publiko na maaaring makaapekto ang krisis sa ekonomiya sa crime rates, pinalakas ng PNP ang kanilang foot and mobile patrols sa mga itinuturing na high-risk areas.
Kabilang na rito ang mga pampublikong pamilihan, transport terminals, at mga commercial districts.
Bukod sa pisikal na presensya, umaasa rin ang pulisya sa teknolohiya para maging mas epektibo ang kanilang operasyon.
Sa kasalukuyan, naglagay na ng mga random checkpoints sa mga estratehikong lokasyon, habang patuloy na umiikot ang mga mobile patrol units tuwing peak hours.
Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa mga local government units (LGUs) at mga lider ng barangay upang mas mapabuti ang pagbabantay at pagtugon sa ground level.
Tiniyak naman ng PNP sa publiko na kontrolado nila ang sitwasyon at aktibo ang kanilang mga preventive measures, ngunit nanawagan din sila ng pakikiisa mula sa mga mamamayan.















