Mariing pinaalalahanan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na ang katapatan nila sa isinasagawang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte ay dapat nasa sambayanang Pilipino at hindi sa anumang alyansang politikal o grupong relihiyoso.
Ayon kay Luistro, chair ng House Committee on Justice, ang darating na pagdinig sa March 25 ay isang sagradong tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
Binigyang-diin ni Luistro na ang impeachment ay hindi isang ordinaryong paglilitis kriminal kundi isang pagsusuri sa “fitness” o kakayahan ng isang opisyal na manatili sa puwesto.
Paliwanag niya, ang batayan dito ay ang “betrayal of public trust” at “accountability” na kabaligtaran ng “impunity” o kawalan ng pananagutan.
Aniya, ito ang pagkakataon para makita ng publiko kung karapat-dapat pa ba ang Bise Presidente sa kanyang posisyon o maging sa pagtakbo sa mas mataas na katungkulan sa hinaharap.
Dagdag pa ng mambabatas, ang public office ay isang “public trust” kaya dapat ay laging handang sumagot ang mga opisyal sa taumbayan sa lahat ng pagkakataon.
Iginiit niya na ang kinabukasan ng bansa ang nakataya sa magiging desisyon ng komite, lalo’t hayagan na ang intensyon ng Bise Presidente na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
















