Apat ang patay at dalawa ang sugatan sa sagupaan ng dalawang pamilya sa San Isidro, La Paz, Iloilo City.
Nasawi dahil sa mga saksak sina Johnny Provido Sr., 68, isang retired army, at ang kanyang mga anak na sina Johnny Provido Jr., 44, at Joven Provido, 46. Patay rin si Tyrone Muya, 33.
Sugatan naman ang dalawang kapatid ni Tyrone na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Batay sa imbestigasyon ng Iloilo City Police Office, pumunta umano ang pamilya Provido sa bahay ng pamilya Muya dahil sa hindi natuloy na transaksyon sa ilegal na droga.
Makalipas ang mainit na sagutan, nauwi ito sa pananaksak na ikinasawi ng apat na biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Felicitas Hortillosa, kinumpirma niyang si Tyrone Muya ay dating tokhang surrenderer na isinailalim sa drug rehabilitation.
Samantala, inamin ng ina ng mga namatay na magkapatid na Provido na gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang anak at nakatransaksyon nito si alyas “Badoy,” live-in partner ng kapatid na babae ni Muya.
Ayon sa mga awtoridad, hindi na-deliver ang ilegal na droga kahit nabayaran na ito ni Johnny Jr., na pinaniniwalaang ugat ng marahas na insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang sangkot sa krimen.
















