Inalerto ng state weather bureau ang 10 lugar sa Pilipinas na may pinakamataas na heat index ngayong araw.
Umaabot kasi sa danger level ang mararanasan sa malaking bahagi ng ating bansa.
Pinakamataas ang naitala sa Dumangas, Iloilo na umabot sa 45°C, habang pumangalawa ang Sangley Point, Cavite sa 44°C.
Kasunod nito, nagtala ng 43°C ang Iloilo City, La Carlota, Negros Occidental, at Guiuan, Eastern Samar. Samantala, umabot sa 42°C ang heat index sa Iba, Zambales, San Ildefonso, Bulacan, San Jose, Occidental Mindoro, Puerto Princesa City, Palawan, at Cuyo, Palawan.
Batay sa pamantayan, ang heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ay nasa danger level, na maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at posibleng heat stroke sa patuloy na pagkabilad sa araw.
Nagpaalala ang ahensya sa publiko na umiwas sa matinding sikat ng araw lalo na sa tanghali, uminom ng sapat na tubig, at magsuot ng magagaan na damit upang maiwasan ang panganib sa kalusugan.
















