Kinansela ang maraming biyahe ng eroplano patungong at mula sa General Santos City mula Hunyo 9 hanggang Hunyo 11, 2026 matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Mindanao.
Apektado ang mga flight ng Cebu Pacific at Philippine Airlines, kabilang ang mga ruta mula Maynila, Cebu, at Iloilo.
Sa Cebu Pacific, kanselado ang mga biyahe mula Cebu–General Santos–Cebu at Manila–General Santos–Manila noong Hunyo 9 at 10, pati na rin ang Iloilo–General Santos–Iloilo noong Hunyo 10.
Sa Philippine Airlines naman, hindi natuloy ang mga flight mula Manila–General Santos–Manila at Cebu–General Santos–Cebu mula Hunyo 9 hanggang 11.
Ang pagkansela ay bunsod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani Province noong Hunyo 8, na nagdulot ng pinsala at pansamantalang pagsuspinde ng operasyon sa General Santos Airport.
Pinayagan lamang ang military, government, at humanitarian flights upang matiyak ang mabilis na paghatid ng tulong sa mga naapektuhan.
Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan agad sa kanilang airline para sa rebooking o refund, at mag-monitor ng mga abiso mula sa General Santos Airport at Civil Aviation Authority of the Philippines.
















