-- Advertisements --
Umabot sa halos 100 trainees ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa Camp Adriano D. Hernandez sa Dingle, Iloilo ang naospital matapos umanong maapektuhan ng food poisoning.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Col. Edralin Poblete, Group Commander ng Reserve Command VI, lumabas sa imbestigasyon na posibleng ang adobong baboy na inihain sa hapunan ang naging sanhi ng insidente.
Karamihan sa mga biktima ay mga babaeng trainees na unang kumain ng naturang pagkain. Dinala ang mga apektado sa iba’t ibang ospital kabilang ang Pototan District Hospital, Barotac Nuevo District Hospital, at Dumangas District Hospital.
Ayon kay Poblete, nasa maayos nang kondisyon ang mga trainees at patuloy ang imbestigasyon hinggil sa pangyayari.
















