Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga bagong nagtapos ng kursong law sa West Visayas State University (WVSU) na manatiling matatag at tapat sa integridad, katarungan, at katotohanan sa pagtahak sa kanilang propesyon bilang mga abogado.
Sa kaniyang talumpati sa ika-3rd Commencement Exercises ng WVSU College of Law, pinaalalahanan ng Pangulo ang mga mag-aaral na piliin ang prinsipyo kaysa kaginhawaan, katotohanan kaysa kasinungalingan, at paglilingkod kaysa pansariling interes upang makatulong sa pagbuo ng bansa.
Kasabay nito, pinangunahan din ng Pangulo, kasama si First Lady Louise Araneta-Marcos, ang pagpapasinaya sa bagong gusali ng College of Law na naglalayong magbigay ng mas malaking oportunidad sa mga nagnanais mag-abogasiya.
Binigyang-diin ni Pang. Marcos ang kasabihan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na ang mga kapos sa buhay ay dapat magkaroon ng higit na proteksyon sa ilalim ng batas.
Aniya, pananagutan ng mga abogado na tiyaking hindi mapagkakaitan ng katarungan ang mahihirap at nasa laylayan ng lipunan dahil lamang sa kakulangan sa yaman o kapangyarihan.
Idinagdag pa ng Pangulo na sa panahong sinusubok ang tiwala ng publiko sa mga institusyon, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng isang abogado ay hindi ang mga kasong napapanalunan kundi ang tiwala ng taumbayan at ang integridad na ipinapakita kahit walang nakakakita.










