-- Advertisements --

Magsasagawa ng special meeting sa sunod na linggo ang economic team ng Marcos administration para talakayin ang suspensyon ng excise tax sa petrolyo.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), na tumatayong chairman ng inter-agency na Development Budget Coordination Committee (DBCC), aaksyunan ng lupon ang mga usapin kaugnay sa full fiscal implications ng posibleng suspensyon ng excise tax sa langis gayundin masusing hihimayin ng economic team ang kaukulang polisiya.

Ipinaliwanag ni Budget Undersecretary Goddes Hope Libiran na kanilang isasaalang-alang na mabalanse ang paghahatid ng agarang tulong para sa mga mamamayan kaakibat ang pag-preserba sa medium-term fiscal sustainability at macroeconomic stability.

Matatandaan, nitong Miyerkules, nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12316 bilang batas, kung saan maaaring suspendihin ng Pangulo o tapyasan ang excise tax sa langis base sa rekomendasyon ng DBCC , sa pakikipagtulungan sa kalihim ng Department of Energy.