Iniimbestigahan na ngayon ng Department of Information and Communications Technology ang umano’y variances o pagkakaiba-iba sa mga transmission ng election results nitong Mayo 12.
Ayon sa naturang kagawaran, kanila na itong pinag-aaralan at sinusuring maigi sapagkat ito anila ang natanggap nilang mga ulat sa nagdaang eleksyon.
Kaya’t pagtitiyak ng kagawaran na makakaseguro ang publiko na isinasailalim na nila ang napaulat na variances o pagkakaiba-iba ng transmission sa kanilang technical review.
Kaugnay pa rito, nagbaba naman ng direktiba ang kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Henry Aguda sa Cybersecurity Bureau nito na makipag-ugnayan lalo na sa Commission on Elections.
Maging sa iba pang ahensiya ay inatasan din niyang makipag-ugnayan ang kawanihan nito upang tuluyang maberipika at malinaw ang teknikalidad ng mga naturang ulat.
Ang Department of Information and Communications Technology ay ang siyang kasalukuyang chair ng Commission on Elections Advisory Council.
Base naman sa ibinahagi nilang initial assesments, ang transmission raw na mula sa libu-libong presinto ay na-duplicate habang isinasagawa ang consolidation sa iba’t ibang transparency servers.
Bagamat ito’y nangyari, pagtitiyak naman ng DICT na wala itong malaking epekto sa opisyal na resulta na naunang inilabas sa publiko.
Kung saan nairesolba naman raw ang isyu ng duplication sa pamamagitan ng maayos na ‘filtering’ para makuha ang pinaka-accurate na datos.
Samantala, kaugnay sa usapin ng cyber security o integridad sa ginamit na Automated Election Systems ngayong halalan, itinanggi naman ng kagawaran na may nagging epekto ang pagkalat ng International Mobile Subscriber Identity o IMSI catcher sa bansa.
Ayon kasi kay Assistant Secretary Renato Aboy Paraiso, standalone ang ginamit na AES at sinabi pang hindi naman ito nakakonekta sa anumang mobile network operator.
“Kung kaya nitong panghimasukan yung Automated Election Systems natin, hindi ho. Sineseguro ho natin na stand alone ang operation ng AES natin so hindi siya nakakonekta sa anumang mobile network operator,” ani Assistant Secretary Renato ‘Aboy’ Paraiso ng Department of Information and Communications Technology.