DAVAO CITY – Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Sto. Tomas, Davao del Norte, na patuloy nilang bibigyan ng supply ng maiinom na tubig ang Barangay Tulalian.
Ito’y matapos lumabas sa isinagawang pagsusuri na kontaminado ng bakterya ang kanilang tubig na siyang dahilan kaya umabot sa mahigit 400 residente ang nagka-diarrhea sa lugar.
Sa naturang daan-daang residente na nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka sa lugar, tatlo ang tuluyang binawian ng buhay.
Lumalabas sa pag-aaral na kontaminado ng E. coli bacteria ang water sources sa nasabing barangay kaya mahigpit munang ipinagbabawal ang pagkuha ng tubig.
Una nang sinabi ni Dr. June Lim, health officer ng Sto Tomas, na 13 ang nakaranas ng cholera matapos isinailalim ang mga ito sa random rectal swabbing at lumabas na diarrhea ang naranasan ng mga residente.
Dahil ito sa amoebiasis, acute gastroenteroritis secondary to E. coli infection, at intestinal parasitism.
Ilan naman sa mga pasyente ang nakauwi na matapos ang ilang araw na pagkaka-ospital.