Mahigit P7.3 billion na halaga ng cash aid na ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa higit 1.4 milyong public utility vehicle (PUV) drivers sa buong bansa.
Ayon kay Asst. Secretary at DSWD spokesperson Irene Dumlao, patuloy ang pamamahagi ng tulong para sa lahat ng rehistrado at lehitimong drivers na nakapaloob sa validated lists mula sa Transport Network Companies (TNCs).
Dagdag pa ng opisyal ang payout para sa jeepney at tricycle drivers sa labas ng National Capital Region (NCR) ay nagpapatuloy parin, habang ang mga PUV drivers sa NCR ay mayroong nakatakdang iskedyul ng special payout, kabilang ang Transport Network Vehicle Service drivers, motorcycle taxi drivers, at service delivery riders.
Ang programang ito ay bahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport framework, na naglalayong tulungan ang sektor ng transportasyon na labis na naapektuhan ng tumataas na presyo ng langis at geopolitical tensions sa Middle East.
Ang cash aid ay ipinamahagi sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, na nagbibigay ng agarang pinansyal na suporta sa mga PUV drivers na naapektuhan ang kabuhayan.
















