Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangunahing layunin ng kanyang State Visit sa Japan mula Mayo 26 hanggang 29 ang pagpapalakas ng kooperasyon sa energy security.
Ayon sa Pangulo, malaking tulong ang Japan sa paghahanap ng mga solusyon upang matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya at langis sa Pilipinas.
Tatalakayin din sa pagbisita ang programang POWERR Asia ng Japan na naglalayong suportahan ang mga bansang Asyano sa suplay ng krudo, supply chain, at renewable energy.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Pilipinas, Japan, at ASEAN upang maprotektahan ang rehiyon laban sa pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Bukod sa pag-angkat at pag-iimbak ng langis, binigyang-diin ni Marcos na magiging bahagi rin ng talakayan ang pagpapabilis sa paglipat sa renewable energy upang maprotektahan ang rehiyon laban sa mga krisis na dulot ng geopolitikal na tensyon.
Dagdag pa dito, tiniyak ng Japan ang patuloy na tulong at suporta para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Giit pa ng Pangulo na hindi lamang ito tungkol sa bagong polisiya ng Japan sa pag-eexport ng mga armas, kundi pati na rin sa opisyal nitong seguridad na tulong sa Pilipinas, tulad ng mga radar at support systems, pagbabahagi ng impormasyon at teknolohiya, gayundin ang pagsasanay ng mga tauhan.















