-- Advertisements --

Mariing iginiit ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes, Mayo 19, 2026 na walang naganap na pag-atake sa Senado kasunod ng “gun-related incident” na yumanig sa Senado noong Mayo 13.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Remulla na malinaw umano sa lahat ng ebidensya na walang pag-atake na naganap sa gusali ng Senado.

“All evidence points that there was no attack on the Senate,” ani Remulla.

Ipinaliwanag ng kalihim na walang mga ahente ng National Bureau of Investigation o NBI na pumasok sa gusali ng Senado noong araw ng insidente.

Ayon pa sa opisyal, nasa katabing gusali lamang ng Government Service Insurance System o GSIS ang mga ito.

Dagdag pa ni Remulla, humingi ng tulong si GSIS President at General Manager Wick Veloso sa NBI upang palakasin ang seguridad sa GSIS matapos hikayatin ni Senador Ronald dela Rosa ang kanyang mga tagasuporta na magsagawa ng prayer vigil sa Senado.

Sinabi rin ng DILG chief na nais protektahan ng GSIS ang bilyong pisong halaga ng mga obra at iba pang mahahalagang kagamitan sa loob ng kanilang gusali sakaling lumala ang sitwasyon sa paligid ng Senado.

Ayon pa sa kalihim, 29 na ahente ng NBI ang dumating sa GSIS premises upang magsagawa lang ng inspeksyon sa outdoor canteen hallway patungong Kalayaan Garden. Aniya, wala umanong dalang tactical gear ang mga ahente at malinaw silang nakasuot ng uniporme ng NBI.

Bandang alas-7:02 ng gabi, umalis umano ang 27 ahente habang dalawang NBI agents ang naiwan sa lugar.

Samantala, sinabi ni Remulla na bandang alas-7:44 ng gabi ay ipinag-utos umano ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa mga operatiba ng Office of the Sergeant-at-Arms, kabilang ang mga pulis at Marines, na “lock and load” o ihanda ang kanilang mga armas.

Ayon sa kalihim, makikita umano sa CCTV footage ang pag-cock ng armas ng mga Marines bago nagtungo ang grupo sa hallway kung saan naroon ang mga NBI agents.

Mula alas-7:46 hanggang alas-7:49 ng gabi, nakita umano sa CCTV ang usok at posibleng muzzle fire habang nagkakaroon ng tensyon sa pagitan ng Senate security personnel at mga ahente ng NBI.

Sinabi rin ni Remulla na si Aplasca umano ang unang nagpaputok ng tatlong beses malapit sa puwesto ng mga ahente ng NBI, ngunit hindi direktang tinutukan ang mga ito.

Dahil umano inakala ng mga NBI agents na sila ay inaatake, nagpaputok sila ng “cover fire” ngunit nilinaw ni Remulla na hindi umano nakatutok sa Senado ang pagpapaputok ng mga ahente at agad ding inutusan ang mga ito na huwag gumanti.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na walang naganap na pag-atake sa Senado, taliwas sa mga pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano hinggil sa insidente.