Ibinahagi ng House prosecution panel ang mga nakatalagang tungkulin ng bawat prosecutor para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lead prosecutor at House Justice Committee Chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, hahawakan ng bawat prosecutor ang hindi bababa sa dalawang articles of impeachment upang mapabilis ang presentasyon ng ebidensya at pagdinig ng mga testigo.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, unexplained wealth, bribery, at pagbabanta umano kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Tiniyak ng prosecution panel na handa silang patunayan ang apat na articles of impeachment gamit ang mga ebidensya mula sa mga imbestigasyon ng Kongreso, kabilang ang ulat ng PSA, NBI, at COA.
Siyam na taga-usig ang itinalaga sa Article I, na nag-aakusa kay Duterte ng sadyang paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at pagtataksil sa tiwala ng bayan (betrayal of public trust) dahil sa umano’y maling paggamit ng PHP500 milyong confidential funds ng Tanggapan ng Bise Presidente at PHP112.5 milyong confidential funds ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).
Kabilang sa mga taga-usig na hahawak sa artikulong ito ay sina Luistro bilang pinuno (lead), Manila Rep. Joel Chua bilang pangalawang pinuno (second lead), pati na sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, Iloilo Rep. Lorenz Defensor, Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, at Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan.
Parehong bilang din ng mga taga-usig ang hahawak sa Artikulo II.
Isinasaad sa artikulong ito ang sadyang paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng bayan dahil sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth) ni Duterte, kabiguang ganap na ideklara ang kanyang mga ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at kabiguang bitawan (divest) ang kanyang mga interes sa negosyo habang nasa pwesto.
Si Ridon ang mangunguna sa pag-usig dito, kasama si Diokno bilang pangalawang pinuno.
Ang natitirang siyam na taga-usig ay kinabibilangan nina Luistro, De Lima, Chua, Flores, Gutierrez, Suan, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.
Kinakasuhan si Duterte sa Artikulo III ng panununuhol (bribery), graft and corruption, at sadyang paglabag sa Konstitusyon, dahil sa umano’y pamamahagi niya ng mga regalong salapi sa mga matataas na opisyal ng DepEd upang lundagan o iwasan ang procurement at iba pang kaugnay na batas.
Itinalaga sa artikulong ito sina San Juan City Rep. Ysabel “Bel” Zamora, Chua, Gutierrez, at Bag-ao, kung saan si Chua ang tatayong pinuno (lead) at si Gutierrez naman ang pangalawang pinuno (second lead).
Panghuli, inaakusahan si Duterte sa Artikulo IV ng sadyang paglabag sa Konstitusyon, mabibigat na krimen (high crimes), at pagtataksil sa tiwala ng bayan dahil sa umano’y pagbabanta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, pati na rin sa pag-uudyok ng sedisyon (inciting sedition).
Sina Defensor at De Lima ang magsisilbi bilang pinuno at pangalawang pinuno, kung saan kasama sina Luistro at Zamora.
















