-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na namataang umalis si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa loob ng Senado matapos ang insidente ng pamamaril noong Mayo 13, 2026, sakay ng sasakyang nakarehistro kay Senador Robin Padilla.

Sa isinagawang pulong balitaan sa Palasyo, ipinakita ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang video footage ng isang puting Toyota Fortuner na lumabas sa Senado bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Huwebes, Mayo 14.

Hindi pa inilalabas ng PNP sa media ang kabuuang video na umano’y nagpapakita kay dela Rosa na umaalis sa Senado.

Dagdag pa ng opisyal, batay sa records inquiry ng PNP, nakapangalan kay Padilla ang naturang sasakyan.

Kinumpirma rin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na pagmamay-ari ni Padilla ang sasakyang nakita sa footage.

“That is them getting away,” ani Remulla habang ipinapakita ang isa pang video ng paglabas ng sasakyan mula sa Senado.

Nauna nang inamin ni Padilla na kanya ang sasakyang nasa video, ngunit tumanggi itong kumpirmahin kung sakay nga nito si dela Rosa.

“Antayin na lang natin yung imbestigasyon,” sagot ni Padilla habang natatawa nang tanungin kung kasama niya si Dela Rosa sa sasakyan.

Maaalalang noong Mayo 11, muling nagpakita si dela Rosa sa Senado sa unang pagkakataon mula Nobyembre 2025 upang bumoto pabor sa pagpapalit ng liderato ng Senado.

Matapos makuha ng kanyang mga kaalyado ang kontrol sa liderato ng Senado, agad ding inaprubahan ang mosyon upang ilagay si Dela Rosa sa protective custody ng Senado.

Nag-ugat ito matapos kumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) na naglabas ito ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng umano’y papel nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte noong siya pa ang hepe ng PNP.