Ipinakalat ng mga miyembro ng Akbayan Youth ang wanted poster ng tinawag nilang international fugitive at accused mass murderer na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa may kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Quezon City ngayong Lunes, Mayo 18.
Ito ay kasunod ng inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa dating Philipine National Police (PNP) chief.
Nakalagay sa naturang poster ang mga katagang “WANTED” for crimes against humanity, Bato Dela Rosa surrender to the ICC now!”
Sa isa pang poster, nakalagay ang mga contact number ng National Bureau of Investigation (NBI) at ICC, para ipagbigay-alam sa kanila sakaling mahanap si Dela Rosa.
Sa isang statement, binatikos ni Akbayan Youth National Vice Chairperson Claire Lopez ang patuloy na pagtatangka ni Dela Rosa na takasan ang hustisiya, sabay giit na libu-libong pamilyang biktima ng extrajudicial killings (EJKs) ang patuloy na nag-aantay ng husitisya.
Hinikayat din ng grupo ang publiko na makiisa sa inilarawan nilang “people’s manhunt” kay Dela Rosa at tumulong na matiyak na madadala ang dating PNP chief sa international justice mechanisms.
“Hindi lang ito laban ng mga biktima ng EJK kundi laban ng sambayanang Pilipino para sa katotohanan at pananagutan. Nananawagan kami sa publiko, makiisa sa people’s manhunt laban kay Bato dela Rosa. Huwag nating hayaang maglaho siya sa likod ng kapangyarihan at impluwensiya. Bato, sumuko ka na! Inuusig ka na ng mamamayan. Harapin mo ang hustisya,” saad ni Lopez.
Ayon sa Akbayan Youth, isinagawa nila ang naturang aktibidad kasunod ng nangyaring gulo sa Senado noong nakalipas na linggo, kung saan lumitaw si Dela Rosa matapos ang ilang buwang pagtatago para sumama sa leadership coup, nagkanlong at prinotektahan ng Senado matapos tangkain ng mga awtoridad na isilbi ang arrest warrant laban sa kaniya at tinulungang makatakas sa gitna ng kaguluhang dulot ng putukan sa loob mismo ng Senado.
Samantala, binigyang-diin din ng grupo ang kanilang panawagan sa Senado na simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, na dalawang beses nang na-impeach.
















