-- Advertisements --

Ikinagalak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naganap na pagpupulong nina US President Donald Trump at Chinese Presidennt Xi Jinping sa China, at sinabing mahalaga ang patuloy na pag-uusap ng dalawang makapangyarihang bansa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa gitna ng umiiral na tensiyong heopolitikal.

Ayon kay Marcos, positibong senyales ang patuloy na komunikasyon sa pagitan ng Estados Unidos at China sa kabila ng mga isyung kinahaharap ng dalawang bansa.

“It is always very encouraging to see when the two nations, such as China and the United States, can still come together and communicate with one another,” pahayag ni  Pang. Marcos sa isang interview.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang diplomasya at bukas na komunikasyon upang maiwasan ang mas matinding sigalot at mapanatili ang kaayusan sa rehiyon at sa buong mundo.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Marcos hinggil sa nilalaman ng pag-uusap nina Trump at Xi, ngunit sinabi niyang mahalagang hakbang ang anumang dayalogo sa pagitan ng dalawang pandaigdigang kapangyarihan.