-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Senador Robinhood Padilla ang kapwa senador na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos tanungin ng media ang tungkol sa umano’y pagtatago nito sa kabila ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Sa panayam nitong Lunes, Mayo 18, sinabi ni Padilla na ang alam niya ay ayaw ni Dela Rosa na “makidnap,” bilang tugon sa mga tanong kung bakit umano ito hindi nagpapakita.

“Basta ako si Bato ayaw niyang makidnap,” ani Padilla.

Ito ang unang public appearance ni Padilla mula noong Huwebes, nang maiulat na kasama umano niya si Dela Rosa nang umalis ito sa Senado ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng kapulungan.

Tumanggi si Padilla na kumpirmahin kung siya mismo ang nagmaneho o naghatid kay Dela Rosa palabas ng Senado, ngunit sinabi niyang sasagot siya sa lahat ng katanungan sa tamang imbestigasyon.

Giit din niya, batay sa sinabi umano ni Senate President Alan Peter Cayetano, walang umiiral na warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaya walang dahilan para sabihing may krimen itong tinatakasan.

Itinanggi rin ni Padilla ang mga ulat na nakita umano sina Dela Rosa sa Ninoy Aquino International Airport o na umalis sila sakay ng yate. Ayon sa kanya, hindi na makatuwiran na magpakita sila sa ganoong mga lugar kung may intensyong lumabas ng bansa.