Patuloy ang isinasagawang pagbabantay o ‘monitoring’ ng National Bureau of Investigation sa kinaroroonan ni Senador Bato Dela Rosa.
Kinumpirma mismo ni Dir. Atty. Melvin Matibag na kanilang sinusubaybayan ang lokasyon ng mambabatas matapos itong umalis mula sa kustodiya ng Senado.
Aniya’y mandato ito ng kawanihan bilang tagapagpatupad ng batas kung kaya’t pinaghahahanap ng mga tauhan ang naturang mambabatas.
Binanggit ni NBI Chief Matibag na ang ‘monitoring’ sa lokasyon ni Sen. Bato ay alinsunod sa may bisang arrest warrant na maaalalang inisyu ng International Criminal Court.
Ibinahagi pa ni Dir. Matibag na mayroon na silang mga impormasyon sinusundan sa posibleng kinaroroonan ni Sen. Bato Dela Rosa.
Subalit aniya’y hindi nila ito maaring isapubliko sa kasalukuyan bilang bahagi sa proseso ng kanilang operasyon.
Gayunpaman kanyang itinuro si Sen. Robin Padilla bilang pangunahing responsable sa lokasyon ni Sen. Dela Rosa.
Sa kabila ng kumpirmasyon na pinaghahahanap na ng NBI si Sen. Dela Rosa, tumanggi nang sagutin ni Dir. Matibag kung agaran nilang aarestuhin ang mambabatas.
Aniya’y ang diskresyon ay nasa Inter-Agency Committee na at sinabing mayroon prosesong sinusunod patungkol rito.
Magugunitang ipinag-utos ni Department of Justice Secretary Fredderick Vida na arestuhin ang mambabatas sakali sumubok itong lumabas ng bansa.
Ngunit nilinaw na walang direktiba para atasan mga awtoridad na hanapin ang tiyak na kinaroroonan sapagkat hihintayin pa rin ang resolusyon ng Korte Suprema sa mga nakabinbin petisyon.
















