-- Advertisements --

Wala pang natatanggap ang Department of Foreign Affairs (DFA) na court order para sa pagkansela ng pasaporte ng nagbitiw na si dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co, na kasalukuyang nasa ibang bansa at idinadawit sa isyu ng korapsiyon sa flood control projects.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng DFA na maaari lamang nitong kanselahin ang mga Philippine passport na inisyu sa mga Pilipino pagkatanggap ng court order na inisyu ng korte sa Pilipinas. Ito ay alinsunod aniya sa batas sa ilalim ng New Philippine Passport Act.

Tatlo ang basehan para sa kanselasyon o restriskiyon ng pasaporte. Una, kapag ang passport holder ay isang pugante, ikalawa, kapag ito ay nahatulan ng kasong kriminal at kapag ang pasaporte ay nakuha sa iligal na paraan o pineke.

Matatandaan, inisyuhan na ng warrant of arrest sina Co at 17 iba pa kabilang ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pribadong construction firm na Sunwest Corp. na pagmamay-ari ng mambabatas na inakusahang nakatanggap umano ng malaking halaga ng kickbacks mula sa flood control projects, bagay na itinanggi naman ni Co.