Mariing binalaan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng mga iligal na nagbebenta ng kanilang modules at learning material sa online.

Ayon kay DepEd Usec. Alain Pascua, batay sa kanilang mga nakalap na report, ibinebenta raw ng mga online seller sa mga kilalang online selling platforms ang mga printed materials sa iba’t ibang asignatura.

Nakarating din aniya sa kanila ang impormasyon na maging sa online video-sharing platform na Youtube ay ibinebenta rin ang Most Essential Learning Competencies ng kagawaran.

Inihayag ni Pascua, libre ang nasabing mga materials na ma-aaccess sa kanilang online learning resource portal na DepEd Commons.

Giit ng DepEd official, mahaharap sa kaukulang kaso ang lahat ng mga sangkot sa ganitong iligal na gawain.

“We are working non-stop – to create, check, and curate all our content to make it more accessible to everyone, only for these people to use it for their own gain. We are warning these individuals that DepEd will prosecute you,” ani Pascua.

Maging ang mga grupo at indibidwal na nagpapabayad para sa libreng webinars na isinasagawa ng DepEd, sa pamamagitan ng kanilang Educational Technology Unit (EdTech Unit), ay hindi rin nakaligtas sa babala.

“All DepEd Webinars are free! We do not charge anything for these online trainings. If webinar organizers are charging participation fees, then these are neither sanctioned nor authorized by DepEd,” anang opisyal.

Makakasuhan naman ng kaukulang administrative o criminal charge ang mga kawani ng ahensya, mapa-teaching o non-teaching personnel, kung masangkot ang mga ito sa iligal na pagbebenta ng learning materials, at paniningil sa mga libreng materyales at trainings.

“We have dispatched our Field Coordinators to seek out illegal activities such as this, and we are in talks with our Legal Department for any legal action we can take on these erring groups and individuals,” saad nito.