Pinatitiyak ni Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) ang patuloy na pagbabantay sa presyo ng Dubai crude oil upang matiyak na sa oras na pumalo na ito sa $80 USD per barrel ay agad maipapamahagi ang fuel subsidy para sa mga PUV drivers and riders.
Ayon kay Tulfo, maraming kompanya ng langis ang nagpatupad ng taas-presyo na ₱2.60/litro sa diesel ar ₱1.75/litro naman sa gasolina noong June 24 at June 26 habang may nakaamba ring taas-presyo ngayong araw na naramdaman na ng mga apektadong sektor.
Inatasan ni Tulfo ang Department of Energy (DOE) at DOTr na pag-usapang mabuti ang karagdagang posibleng paraan para matulungan ang mga PUV drivers na siya mismong direktang tinamaan sa pagsipa ng presyo ng petrolyo.
Hinimok din ng senador ang malalaking kumpanya ng langis na ikonsidera ang pagbibigay ng discount sa mga PUV drivers habang wala pang katiyakan ang nakaambang rollback.
Batay sa 2025 General Appropriations Act, maibibigay lamang ang fuel subsidy sa mga benepisyaryo kapag nag-isyu na ang DOE ng sertipikasyon ukol sa aktwal na average price ng Dubai crude oil kung umabot na ito sa $80 USD threshold kada bariles base sa Mean of Platts Singapore.